-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Muling pinatunayan ng Baguio City ang pagiging “Creative City” nito sa katatapos na Street Dancing competition na isa sa mga highlights ng Baguio Flower Festival o Panagbenga.

Nasaksihan ng libu-libong turista at bisita ang makulay na parada ng mga lumahok na mga mag-aaral at grupo.

Pangunahing naipamalas sa parada ang makukulay at naglalakihang costumes na karamihan sa mga ito ay may mga disenyong bulaklak.

Nanalo sa elementary category ang Tuba Centra School habang sa secondary category ay nagtagumpay ang Baguio City National High School at sa open category ay nanalo ang Saint Louis University.

Lahat ng mga nakilahok, nanalo man o natalo ay tumanggap ng tumataginting na premyo.

Ang Baguio City na kilala bilang Summer Capital of the Philippines o City of Pines ang kauna-unahan at kaisa-isang lungsod sa Pilipinas na kinilala ng UNESCO bilang Creative City dahil sa mayaman nitong kultura.