BAGUIO CITY – Muling napatunayan na ang Baguio Flower Festival o Panagbenga ay isang world class na okasyon o selebrasyon.
Hinangaan ng mga mataas na opisyal ng pamahalaan at mga local at foreign tourist ang mga highlights ng Panabenga.
Una rito, kahapon ay napanood ng libu-libong turista ang mga naglalakihan, makukulay at mga bonggang floats sa Grand Float Parade.
Aabot sa 28 na floats ang nakibahagi sa parada at nakibahagi rin dito ang mga sikat na artista at mga malalaking kompanya.
Sa ngayon ay hinihintay pa ang resulta ng kompetisyon.
Ayon sa mga turistang nakapanayam ng Bombo Radyo Baguio, dahil sa Panagbenga ay muling napatunayan na ang Baguio ay isang Creative City.
Maaalalang noong Sabado ay hinangaan din ng mga mamamayan ang makulay at masayang Grand Street Dance Parade ng Panagbenga.
Ayon sa mga nanonood, patunay ito ng mayaman na kultura at tradisyon ng Baguio City.
Kilala ang Baguio City bilang Summer Capital of the Philippines o City of Pines at ito ang kauna-unahan at kaisa-isang lunsod sa Pilipinas na kinilala ng UNESCO bilang Creative City dahil sa mayaman nitong kultura.