Ikinukunsidera ng mga organizer ng Panagbenga Festival ang posibilidad ng pag-ban sa ilang mga kandidato sa mga susunod na edisyon ng sikat na flower festival.
Ayon kay Baguio Flower Festival Foundation Inc. (BFFFI) Executive Committee Chairperson Anthony de Leon, mula pa noong unang lingo ng Enero 2025 ay inanunsyo na ng organizing committee ang pagbabawal sa mga kandidato na magsagawa ng mga campaign activities sa kasagsagan ng event.
Una na rin nilang hinimok ang mga kandidato na respetuhin ang naturang panuntunan.
Kabilang sa mga binantayan dito ay ang posibleng pagbaba ng mga kandidato mula sa kanilang mga float upang makipagkamay sa mga manonood, kasama na ang magpa-interview, bagay na nilabag aniya ng ilang kandidato.
Ayon naman kay BFFFI Chairman for Life Mauricio G. Domogan, sinimulan na ng komite ang imbestigasyon sa mga naturang insidente.
Aniya, sineseryoso ng board of trustee ang ganitong mga paglabag.
Kung mapatunayang guilty, ang pinakamabigat na penalty na maaaring kaharapin ng mga kandidato ay pagbawalan silang makibahagi sa mga susunod pang edisyon ng grand festival.
Iginiit ng dating kongresista na alam ng mga kandidato ang mahigpit na panuntunan kung saan lahat sila ay pinayagang makibahagi sa grand parade sa kondisyong susundin nila ang mga panuntunang inilatag ng komite.
Nanindigan naman ang mga Panagbenga organizer na mananatiling non-partisan ang festival, magsisilbing selebrasyon para sa mga mamamayan, at hindi isnag political platform.