Inihayag ni Senador Raffy Tulfo na kailangang may managot sa napaulat na pagkamatay ng 27 pasahero ng Motorbanca na Princess Aya na lumubog sa Binangonan, Rizal noong Huwebes, Hulyo 27.
30 passengers lamang daw ang maximum capacity ng lumubog na bangkang Princess Aya pero ito ay pinayagang maglayag ng may sakay na humigit kumulang 70 na pasahero at walang sapat na life vest para sa lahat ng lulan nito, dagdag pa rito ang masamang lagay ng panahon.
Ani Tulfo, paulit-ulit na lang na nangyayari ang ganitong klaseng trahedya pero wala pa ni isang napapanagot at naipapakulong na mga taga Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) kahit malinaw na mayroon silang kapabayaan sa nangyaring mga paglubog ng mga barko o bangka at sa pagkasawi ng maraming buhay.
Paliwanag ni Tulfo, palagi na lang ang mga maliliit na tripulante ng mga lumubog na barko o bangka ang nakukulong at madalas nakakalusot pa ang mga may-ari nito.
Ang masaklap pa, puro imbestigasyon na lamang aniya hinggil sa kapabayaan ng PCG at MARINA at wala pa talagang nasasampolan sa kanila.
Kaya naman naghain ng resolusyon ang Senador upang mayroon nang mananagot na mga taga PCG at MARINA kasama na ang mga opisyal nito, sa ngalan ng command responsibility tuwing may lumulubog na sasakyang pandagat dahil sa kapabayaan.