ILOILO CITY – Ibinida ng Pinoy boxer na si Denver “The Excitement” Cuello ang kanyang naging diskarte sa huling laban kung saan natalo nito ang kalabang Indonesian fighter at nakamit ang Asian Boxing Federation (ABF) Bantamweight Belt.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Cuello na patunay ang kanyang panalo bilang “knock out puncher” matapos patumbahin sa ikalawang round pa lang ng laban ang katunggaling si Jack Amisa.
Ayon sa 32-year old fighter, unang round pa lang nang makitaan niya ng butas para talunin ang Indonesian boxer kaya umano niya binanatan ito ng sunod-sunod na left hook na nakapag-patumba rito.
Taong 2016 nang huling sumabak sa laban ang Pinoy boxer na tubong Cabatuan, Iloilo bago sumabak sa nakaraang event na tinawag na “Return of the Champions.”
Ito’y matapos sumailalim sa surgery dahil sa natamong injury sa balikat.