-- Advertisements --

Sinuspinde ng FIFA ang soccer federation president ng Panama na si Manuel Arias matapos niyang tawaging mataba ang isang star player ng kanilang national team.

Dahil dito, pagbabawalan si Arias na pangasiwaan ang Panamanian Football Federation na kilala sa tawag na Fepafut sa loob ng anim na buwan.

Hindi rin siya pwedeng sumali sa mga football practice at iba pang aktibidad na kalakip nito.

Batay sa opisyal na report ng FIFA, nangyari ang body shaming comment matapos niyang tawaging mataba si Panama women’s national team star player Marta Cox.

Hindi kasi umusad ang naturang team sa international tournament nitong nakalipas na taon kung saan sinabi ni Cox na ang pinakamalaking problema ng koponan ay ang kawalan ng sapat na pasilidad.

Agad naman itong binatikos ni Arias at sinabihan ang star player bilang mataba, napapabayaan na ang sarili, at hindi na gaanong nakakagalaw sa field.

Gumawa si Cox ng kasaysayan sa Panama noong 2023 matapos ipasok ang pinaka-unang goal ng Panama sa Women’s World Cup.

Pero ayon kay Arias, walang alam si Cox ukol sa football program ng Panama sa loob ng ilang taon. Agad namang binatikos ni Cox ang mga komento ng kanilang football president at nagbantang aalis siya sa national team kung nagpapatuloy ang kahalintulad na komento mula kay Arias.