Sinimulan na ang imbestigasyon sa nangyaring pag-araro ng sasakyan sa isang Pinoy street festival sa Vancouver, Canada na ikinasawi ng ilang indibidwal, ayon kay Canadian Prime Minister Mark Carney.
Nasa 11 na katao ang kumpirmadong nasawi sa “Lapu Lapu Day ‘25 Block Party” sa Vancouver.
Ayon sa Vancouver police sa kanilang post, inaresto nila ang 30-anyos na lalaki mula sa naturang lugar na “kilala” nila sa lugar ng pinangyarihan ng insidente noong Sabado ng gabi roon.
Dagdag ng mga otoridad, kumpiyansa sila na ang insidenteng nangyari ay hindi isang act of terrorism.
Samantala, ayon sa mga saksi, unang hinabol at hinawakan ng mga dumalo sa festival ang naturang suspek hanggang sa dumating ang pulisya.
Dagdag pa, dinala naman sa iba’t ibang ospital ang mga sugatang biktima.
Nangyari ang insidente makalipas ang alas-8 ng gabi malapit sa East 41st Avenue at Fraser Street, kung saan ginaganap ang Lapu Lapu Day Block Party.