-- Advertisements --

Iimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cyber Crime Group (ACG) kung may pananagutan ang pamunuan ng Clark Freeport Zone matapos maaresto ang walong Israeli national na nagpapatakbo ng isang trading company sa naturang freeport sa loob ng mahigit dalawang taon.

Ayon kay PNP chief police director Gen. Oscar Albayalde, aalamin ng PNP kung bakit walang maipakitang business permit ang mga suspek at kung bakit pinapayagan ang mga ito na makapagnegosyo na hindi nagbabayad ng buwis sa pamahalaan.

Sinabi ni Albayalde na kwestiyunable kung bakit nakapag-establish ng isang malaking call center na may maraming empleyado ang mga suspek, bagay na isang internal problema.

Sa ngayon makikipag-ugnayan ang PNP-ACG sa pamunuan ng Clark Freeport hinggil dito.

Banggit pa ni Albayalde, nasa $1M USD ang kinikita ng mga suspek sa isang araw nilang transaksyon.

Hindi naman matukoy ng PNP kung magkano ang halaga ngayon na nakulimbat ng grupo ng mga Israeli pero paniniwala nila na “billion of dollars” ito dahil nagkalat ang mga ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“That’s one thing kung wala silang business permit, thats very questionable kung papaano ka makapag establish ng big call center doon with this number of employees there you cannot probably establish kahit maliit a call center,” wika ni Albayalde.