Hinamon ni Akbayan Party head Rafaela David ang ikalawang pinakamataas na lider ng bansa na si Vice President Sara Duterte na magsalita at ilatag ang kaniyang posisyon sa gitna ng patuloy na agresibong mga aksiyon ng China laban sa Pilipinas sa pinagtatalunang West Philippine Sea.
Sa isang statement, sinabi ni David na dapat magpakita ng katapangan si VP Sara at depensahan ang soberaniya ng ating bansa sa halip na gamitin ang kaniyang boses sa pagdepensa kay Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy.
Aniya, kailangan ng mamamayang Pilipino ang tunay na mga lider at hindi traydor. Ang nakabibingi aniyang pananahimik ni VP Sara ay malinaw na nagpapakita ng kaniyang mga prayoridad.
Binalewala din umano ni VP Sara ang kalagayan ng mga Pilipinong humaharap sa agresyon sa sarili nating karagatan.
Matatandaan na noong Marso 12, nagpakit ng suporta si VP Sara kay Pastor Quiboloy sa pagdalo nito sa rally sa Liwasang Bonifacio at sinabi na ang congressional investigation kay quiboloy ay trial by publicity at mapanirang puri ang umano’y mga krimen na inaakusa sa religious leader.
Noon namang Marso 23, muling binombahan ng China Coast Guard ng water cannon ang resupply boat ng PH patungo ng Ayungin shoal para sa regular rotation and resupply mission.