-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Mariing itinaggi ng pulisya sa Malasiqui, Pangasinan na ilang pulis ang responsable sa pananakit sa isang naarestong suspek na kumakalat sa social media matapos i-post ng ilang kaanak ang umano’y situwasyon nito matapos na maipasailalim sa kustodiya ng PNP.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, kay Malasiqui Police Station officer-in-charge P/Maj. Joseph Fajardo Jr, inihayag nito na ang naturang suspek na si Bogard Boquirin ay inaresto dahil sa kinakaharap nitong kaso na attempted homicide at dinala sa kanilang himpilan.

Subalit kinaumagahan umano ay bigla na lamang itong dumaing ng pananakit ng kaniyang tiyan kaya naman agad umano itong dinala sa pagamutan.

Sa mga pasa naman na tinamo ng biktima, base sa larawan na ipinost ng kaanak nito sa social media ay kapansin-pansin ang mga ito sa katawan at mukha.

Binigyang-diin ng hepe na hindi sila ang responsable dito at maaring nakuha umano ng naarestong suspek ang mga pasa sa pagkakabagsak nito noong ininda ang sakit ng kaniyang tiyan na kung saan malakas umano ang impact, base na rin aniya sa pahayag ng mga kasamahan ni Boquirin sa loob ng lock-up cell at isang bisita ng kanilang himpilan.