BOMBO DAGUPAN — Hindi dapat sila itinuturing na kaaway.
Ito ang binigyang-diin ni National Union of Journalists of the Philippines Chairman Jonathan de Santos kaugnay sa umano’y pananakit sa isang radio reporter ng mga miyembro ng isang transport group sa isinagawang kilos-protesta.
Sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na ang mga mamamahayag na namamagitan sa mga kahalintulad na pagkakataon ay hindi dapat sinasaktan.
Aniya labis nilang ikinalulungkot na umabot sa ganitong pangyayari ang naranasan ng kanilang kasamahan.
Saad ni De Santos na bagamat naiitindihan nila ang frustration ng mga miyembro ng transport group dahil sa kanilang pinaglalaban ay napilitan na silang maglunsad ng strike.
Gayunpaman, kahit pa sinabihan umano ang mga ito na nagiging “perwisyo” sila sa daan ay hindi naman ito nagbibigay sa kanila ng anumang karapatan upang manakit ng ibang indibidwal.
Sa kabilang dako naman ay naniniwala ang kanilang samahan na makatutulong din kung ang mga field reporters na kumukuha ng mga kahalintulad na balita ay iiwasan din ang pambabato ng insensitibong mga komento.
Dagdag nito na kinakailangang maging maingat at ikonsidera ng lahat ng mga mamamahayag na maaaring hindi rin magustuhan ng kanilang mga kaharap ang kanilang binibitiwang mga salita.
Ngunit hindi naman ito nangangahulugan na kinakailangang busalan ang bibig ng mga mamamahayag.
Samantala, kasabay naman ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay ipagpapatuloy din naman ng kanilang samahan ang paglaban para sa malayang pamamamahayag.
Ngunit ikinalulungkot naman nila na hindi pa rin tuluyang nasusugpo ang mga karahasan laban sa mga mamamahayag gaya na lamang ng extrajudicial killings at red-tagging.