LEGAZPI CITY – Inaalam pa sa kasalukuyan ng kapulisan kung ilan ang halagang aabutin ng pinsalang iniwan sa dump truck na pinasabog sa Brgy Gapo, Daraga, Albay.
Nabatid na pagmamay-ari ito ng E.M. Cuerpo, Inc. na isa sa mga contractor ng itinatayong Bicol International Airport (BIA) sa bayan ng Daraga.
Ayon kay PLt/Col. Rodelon Betita, hepe ng Daraga Municipal Police Station, dalawang katao umano ang nagtungo sa lugar, isa ang sinasabing nagpababa sa driver habang ang isa naman ang naglagay ng improvised explosive device (IED) sa unahang bahagi ng sasakyan.
Sa pagsasalarawan ng driver ng truck, wala umanong takip ang mukha ng mga suspek at sinlaki naman ng hita ng tao ang inilagay na bomba.
Pinaniniwalaang kasapi rin ang mga ito ng rebeldeng New People’s Army (NPA) na mabilis tumakas lulang ng motorsiklo matapos na isagawa ang insidente.
Tuloy-tuloy naman ang isinasagawang pag-iimbestiga ng pulisya subalit aminadong posibleng may kinalaman ang nangyari sa papalapit nang pagkompleto ng airport.