-- Advertisements --

Inuugnay ngayon ang nangyaring pananaksak sa Haifa, Israel nitong Lunes na nagresulta sa pagkamatay ng isang tao na naging unang insidente ng karahasan mula nang magsimula ang ceasefire sa Gaza noong Enero.

Ang insidente ay nangyari sa isang bus at train station sa Haifa, kung saan halo-halo ang populasyon ng Hudyo at Arabo.

Batay sa mga awtoridad tinatayang nasa 70 taong gulang ang nasawi at apat na iba pang tao ang nasugatan sa insidente.

Inilarawan naman ng Israeli police ang insidente bilang isang “terorist attack” at kinumpirma na ang suspek ay miyembro ng Druze Arab minority ng Israel na kalunan ay napatay mga mga pulisya sa isang engkwentro.

DIGMAAN SA PAGITAN NG NASYONALIDAD

Mula nang magsimula ang digmaan noong Oktubre 7, 2023, paulit-ulit na ang mga pag-atake sa Israel na kadalasang kinasasangkutan ng matatalim na bagay na nagresulta sa mga pagkamatay at pagkasugat ng karamihan na madalas namang inuugnay bilang ‘terrorist attack’ — isang terminong ginagamit sa mga insidenteng may kaugnayan sa Israeli-Palestinian conflict.

Gayunpaman ng magumpisa ang ceasefire deal sa Gaza inaasahan ng mga tagapamayapang bansa ang pagbaba ng mga ganitong uri ng insidente kung saan ang kaguluhan ay bahagyang humupa matapos ang higit sa 15 buwang digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas.

PAGHIHIGPIT NG ISRAEL SA MGA PALESTINO

Ang nangyaring pananaksak nitong Lunes ay naganap isang araw matapos magdesisyon ang Israel na itigil ang pagpapasok ng humanitarian aid sa Gaza kasunod ng isang deadlock sa pagpapalawig ng ceasefire sa Palestinian territories.

Pagtapos ng unang yugto ng ceasefire na tumagal ng anim na linggo noong weekend ay nagbigay-daan naman sa pagpasok ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tirahan, at medikal na tulong sa Gaza. Gayunpaman, kinondena ng United Nations ang naging desisyon ng Israel na harangin ang aid, na nanawagan ng agarang pagbabalik ng tulong.

Habang patuloy na hinaharap ang mga hamon ng ceasefire, parehong may magkaibang pananaw ang Israel at Hamas. Inanunsyo ng Israel ang pagpapalawig ng ceasefire hanggang sa kalagitnaan ng Abril na agad namang tinanggihan ng Hamas at mas nais ang paglilipat sa ikalawang yugto ng kasunduan na maaari umanong magdulot ng permanenteng pagtatapos ng digmaan.

Kamakailan lang ay iniulat ang isinagawang airstrike ng Israel noong Linggo, na nagresulta sa pagkamatay ng hindi bababa sa apat na tao. Kasabay ng mga patuloy na alalahanin tungkol sa humanitarian crisis sa Gaza, tumaas naman ang presyo ng mga pangunahing bilihin at inuulat na nahihirapan na ang mga karaniwang tao dahil sa malawakang pagkasira ng mga imprastruktura sa rehiyon.

Patuloy ding tumitindi ang politics sa Israel, kung saan si Prime Minister Benjamin Netanyahu ay nahaharap sa lumalaking kritisismo dahil sa mga pagkaantala ng mga kasunduan para sa pagpapalaya ng mga natitirang hostages.