CENTRAL MINDANAO- Hiniling ni Maguindanao 2nd District Congressman Esmael”Toto”Mangudadatu ang malalimang imbestigasyon sa pananambang sa isang testigo ng Maguindanao massacre.
Nasawi ang driver ng DOJ na si Richard Escovilla sa pananambang sa Tantangan South Cotabato.
Habang nakaligtas si Mohammad Sangki na testigo sa masaker sa Sitio Masalay Barangay Salman Ampatuan Maguindanao at security escort nito.
Sinabi ni South Cotabato Police Provincial Director Colonel Jemuel Siason na minamaneho ni Escovilla ang Toyota Innova na grey na may plate# ZPU 341 mula sa direksyon ng Tacurong City papunta ng airport ngunit pagsapit nila sa Purok Maligaya Barangay Bukay Pait sa bayan ng Tantangan ay doon na sila pinaputukan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan na nakasakay sa mitsubishi montero.
Tinamaan si Escovilla at nawalan na ito ng kontrol sa manibela at bumangga sa isang kainan sa gilid ng highway.
Patay ang driver ng DOJ,nakaligtas naman si Sangki at isang security escort nya sa pananambang.
Dagdag ni Mangudadatu na kailangan ng umaksyon ang DOJ dahil ilang beses nang tinambangan si Sangki at ibang mga testigo sa karumal dumal na Ampatuan massacre.
Hiniling rin ni Mangudadatu kay Pangulong Rodrigo Duterte na sana atasan nito ang ibang law enforcement unit ng gobyerno na mag-imbestiga sa panibagong pananambang kay Sangki at pagpatay sa ibang testigo.