-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Pinayuhan ng lokal na pamahalaan sa Kidapawan City sa pamamagitan ng City Agriculture Office ang mga corn farmers na agad dumulog sa tanggapan kung sakaling makaranas na ng kasiraan sa peste ang kanilang mga pananim.

Nakitaan ng City Agriculture ng kasiraan ang ilang mga pananim ng mais sa tatlong sa barangay sa lungsod partikular ang Brgy Paco, Junction at Sumbac.

Fall armyworm ang itinuturong dahilan ng pagkasira ng ilang tanim na mais, ito ay ayon pa kay City Agri Technologist Elpidio Gaspan.

Kinakain ng mga uod na nabanggit ang dahon at iba pang bahagi ng tanim kung kaya at kinakailangan ang agarang pagsasawata ng peste upang hindi tuluyang mamatay ang mais.

Payo ng opisyal na kung maaari ay suyurin, alisin at pisain ang mga uod na nakakapit sa mga dahon ng mais kung sakaling wala pang insecticide na magagamit ang magsasaka.

Dagdag pa niya na kinakailangan na ang paggamit ng insecticide kung umabot na sa limang porsyento ng taniman ang apektado ng Fall armyworm.

Nasa 90 percent pataas na mabubuhay at ma-mumunga ang mais kapag tama ang spraying, ani pa ni Gaspan kaya at ipinapaayo niya na gawin ito sa pagitan ng alas sais hanggang alas nuwebe ng umaga kung saan ay siyang paglabas ng uod para kumain.

Sa kasalukuyan ay nagbibigay na ng paunang tulong ang City Government sa pamamagitan ng insecticides na nagmula pa sa Regional Crop Protection Center ng Department of Agriculture Regional Office XII.

Nangangamba rin ang City Government lalo pa at bago lamang ito namigay ng 1,500 bags ng hybrid corn seeds sa mga magsasaka sa lungsod kaya at kinakailangan ang agrang aksyon para masawata ang peste na Fall armyworms at hindi maapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka.