-- Advertisements --
Photo © PTV4

Tahasang kinastigo ng Malacañang at pinayuhan ang limang senador ng Amerika na huwag makisawsaw sa domestic affairs o gawain ng gobyerno ng Pilipinas.

Reaksyon ito ng Malacañang sa panawagan ng limang US senators na palayain si Sen. Leila de Lima at ibasura ang mga kasong isinampa laban sa Rappler at sa Chief Executive Officer nitong si Maria Ressa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang resolusyon ng mga senador ay isang lantarang pangingialam sa ligal na proseso ng mga korte sa Pilipinas.

Ayon kay Sec. Panelo, walang opisyal ng ibang bansa ang may karapatang magdikta sa kung papaano dapat nireresolba ng korte ang mga kaso rito.

Inihayag pa ni Sec. Panelo na halatang naniwala ang mga senador sa mga umano’y pekeng impormasyon ng mga bayarang trolls ng mga kritiko ni Pangulong Duterte na nagpapalaganap ng maling balita kaugnay sa kaso ni Sen. De Lima, Maria Ressa at maging sa mga umano’y kaso ng extra judicial killings sa bansa.