Nanawagan ang isang miyembro ng House prosecution team sa mga senador na bigyang-prayoridad ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, na isang paraan sa ilalim ng Konstitusyon upang mapanagot ang mga opisyal ng gobyerno.
Sinuportahan ni Manila Rep. Joel Chua, na chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, ang panawagan ng Caritas Philippines, sa pangunguna ni Bishop Jose Colin Bagaforo, na dapat tiyakin ng Senado ang agaran at patas na paghawak sa kaso laban sa Bise Presidente, na isa umanong pambansang usapin na nangangailangan ng agarang atensyon.
Ayon kay Chua na tama ang Caritas Philippines, ang social action arm ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), sa panawagan nito sa mga senador.
Muling iginiit ng impeachment prosecutor na ang mandato ng Senado na “forthwith proceed” sa paglilitis kay VP Duterte ay hindi lamang nakasaad sa Konstitusyon kundi nagmumula rin sa taong-bayan na nagpatibay ng Saligang Batas.
Samantala, sinabi ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na ipauubaya niya sa Senado ang desisyon kaugnay ng kahalagahan ng agarang pagdinig sa impeachment case.
Naglabas ng pahayag ang Caritas Philippines noong Huwebes upang ipahayag ang kanilang panawagan sa Senado.
Ayon sa CBCP social action arm, nais nilang bigyang-diin na ang mga alegasyon ng korapsyon, pang-aabuso sa kapangyarihan, at kapabayaan sa pampublikong serbisyo ay dapat imbestigahan nang may parehong sigasig gaya ng anumang mabigat na krimen.
“Corruption is a moral and social evil that robs the people of justice and dignity. Just as we seek justice in cases of violence and crime, we must be relentless in holding our leaders accountable for betraying public trust. We stand with every Filipino who seeks transparency and accountability. Now is the time for our leaders to prove that democracy works for the people, not for political convenience,” pahayag ni Bishop Bagaforo.