Suportado ng mga mambabatas ang panawagan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Davao City Chapter kay Pastor Apollo Quiboloy at kapwa akusado nito sa mga kinakaharap na kaso na payapang sumuko at sumunod sa batas.
Pinuri rin in 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez ang IBP-Davao City Chapter sa paglalabas nito ng isang matapang na panawagan na nagbibigay ng diin sa papel nito na siguruhing nakakamit ang hustisya nang mabilis at walang sagabal.
Sumegunda naman si House Assistant Majority Leader and Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon at sinabi na ang pangingibabaw ng batas ay hindi maaaring mawala sa isang demokrasya.
Pinuri naman ni Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang pagtindig ng IBP sa isang mahalagang isyu gaya nito.
Ipinaalala naman ni Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang importansya ng pananagutan upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa legal system.
Ganito rin ang posisyon ni Deputy Majority Leader at PBA Party-list Rep. Margarita “Atty. Migs” Nograles kaugnay ng pagkilala sa batas upang mapanatili ang tiwala ng publiko at matiyak na makakamit ang hustisya.
Naglabas ng pahayag ang IBP kasunod ng tensyon sa pagpapatupad ng arrest warrant laban kay Quiboloy, na nahaharap sa kasong child abuse, sexual abuse at human trafficking.
Ipinunto ng IBP ang kahalagahan ng pagtalima sa legal na proseso at paggalang sa otoridad ng mga korte kasabay mg paalala sa banta na harangin ang pagkamit ng hustisya.
Ang panawagan ng grupo para sa payapang pagsuko ay importante sa pagpapanatili ng kaayusan sa lipunan at integridad ng judicial system ng bansa.