-- Advertisements --
Remulla

Nakatakdang pag-aralan ng Department of Justice ang panawagan ng Makabayan Bloc sa Kamara na suportahan ng gobyerno ang International Criminal Court sa pag-iimbestiga nito sa umano’y mga karapatang pantao na nalabag sa panahon ng war on drugs ng dating administrasyong Duterte.

Sa isang press briefing, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kanilang sisilipin kung mayroong sapat na batayan ang panawagan ng Makabayan bloc na kanilang inihain sa pamamagitan ng House Resolution No. 1393.

Sa naturang resolusyon, hinimok ng militanteng grupo ang gobyerno ng Pilipinas na makipag tulungan sa International Criminal Court , kaugnay sa umano’y pag amin ng dating punong ehekutibo na si Duterte sa umano’y paggamit nito ng kanyang intelligence fund upang maisakatuparan ang extrajudicial killings sa Davao City noong siya ay alkalde pa nito.

Dagdag pa ng kalihim , pag-aaralan rin nila ang umiiral na jurisprudence na inilabas ng korte suprema kaugnay sa hurisdiksyon ng International Criminal Court sa Pilipinas.

Una nang nag withdraw ang Pilipinas ng membership nito sa naturang international court noong 2019.

Ang tinutukoy ng kalihim na naging desisyon ng Korte Suprema noong 2021 na kung saan nagbasura sa mga petisyon na humihiling na ipawalang bisa ang unilateral decision ni Duterte na kumalas sa Rome Statute ng ICC.

Sa desisyon, sinabi ni Associate Justice Marvic Leonen na ang punong ehekutibo ay ang nagsisilbing primary architect ng mga foreign policy at ito ay nakasaad sa konstitusyon at umiiral na batas.

Punto ng kalihim, kailangan nilang pag-aralan ang mga umiiral na batas ng bansa at pinakabagong desisyon ng korte sa naturang usapin.

Samantala, sa kabila ng plano nitong pag-aaral sa panawagan ng Makabayan Bloc, binigyang diin ni Remulla na hindi pa rin nagbabago ang paninindigan nito na walang karapatan ang ICC na makialam sa mga imbestigasyong isinasagawa ng ahensya ng gobyerno sa mga naging iregularidad sa mga anti-illegal drug operations ng nagdaang administrasyon.

Hindi rin umano makikipag tulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa pagsisilbi ng warrant sa mga indibidwal na subject ng kanilang imbestigasyon.

Wala na rin aniyang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas simula ng kumalas ang bansa sa pagiging miyembro nito noong 2019.