-- Advertisements --

Binalewala lamang ng apo ng tinaguriang Mother of Democracy ang panawagan ng ilang mga suporter ni dating Pang. Rodrigo Duterte na panibagong People Power Revolution, kasunod ng pagkaka-aresto at tuluyang pagbiyahe sa dating pangulo papuntang Hague, Netherlands ang headquarters ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Kiko Aquino Dee, umaapela sila ngayon ng people power gayong binabalewala nila ito noong termino ni Duterte.

Kasabay nito ay hinikayat ni Aquino-Dee ang kasalukuyang administrasyon na kilalanin na ang hurisdiksyon ng ICC laban kay Duterte at tuluyan nang ibalik ang bansa sa tribunal.

Ito ay matapos kumalas ang bansa mula sa international body, anim na taon na ang nakakalipas, at habang nasa kalagitnaan noon ang administrasyon ni Duterte.

Ayon naman kay dating presidential peace adviser, Teresita Quintos Deles, hindi dapat kalimutan ng publiko ang mga nangyaring patayan noong isinagawa ng nakalipas na administrasyon ang drug war.

Giit ni Deles, hindi dapat kalimutan ang naging sitwasyon ng mga biktima, at kung paano sila trinato habang nasa kasagsagan ng kampaniya kontra iligal na droga.