-- Advertisements --

Tinawag ng Malakanyang na isang garapalang panawagan na mag kudeta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa Marcos administration at talikuran ang kanilang sinumpaang tungkulin, para lamang umupo sa pinakamataas na pwesto ang anak nito na si VP Sara Duterte.

Ito ang tahasang pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin kasunod ng binitawang salita ni dating pangulong Duterte na tila nag uudyok sa mga sundalo laban sa kasalukuyang nakaupong presidente na si Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Bersamin, walang ibang pwedeng itawag sa panawagang ito ng dating pangulo kundi makasariling motibo na tangkaing paalisin sa pwesto o ikudeta ang kasalukuyang pangulo ng bansa para lamang maiupo ang kaniyang anak.

Giit ni Bersamin, dapat respetuhin ni Duterte ang konstitusyon hindi ang suwayin ito.

Sabi pa ni Bersamin na dapat tigilan na ni duterte ang kaniyang pagiging iresponsable.

Hindi aniya nakabubuti na insultuhin ang mga sundalo na propesyunal na ginagampanan ang kanilang misyon at tungkulin at himukin ang mga ito na tumiwalag sa konstitusyon para lamang magtagumpay ang kanilang makasariling hangarin.

Siniguro naman ni Bersamin na hindi papaltos ang administrasyon sa mandato nitong pangasiwaan nang maayos ang bansa alinsunod sa konstitusyon at sa rule of law.

Pagtatanggol ng administrasyon ang legacy nito para sa mga Pilipino alinsuod sa batas.

Tiniyak ni Bersamin, kikilos ang estado laban sa mga hindi makatarungan at mga tangkang paglabag sa batas.

Giit ni Bersamin hindi aniya katanggap-tanggap ang marahas na pang-aagaw ng kapangyarihan upang madaling maluklok bilang pangulo sa pamamagitan ng pagpaslang, panggugulo at pag-aalsa.

Pinagsabihan ni Bersamin ang mga Duterte na maghintay sila ng tamang panahon, sumunod sa tamang pamamaraan.