Mariing kinondena ni National Security Adviser (NSA) Sec. Hermogenes Esperon ang mga grupo at personalidad na nananawagang buwagin ang National Task Force to End the local communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at alisan ng pondo ang Barangay Development Program (BDP).
Partikular na tinukoy ni Esperon si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na inakusahan ang pamahalaan ng pagkakalat ng kasinungalingan disimpormasyon, at fake news laban sa mga progresibong grupo, gamit ang pondo ng mga programang ito.
Ito ay sa gitna ng “red tagging isyu” na inirereklamo ng mga progresibong grupo laban sa ilang opisyal ng NTF-ELCAC.
Nilinaw ni Esperon na bagamat layunin ng NTF-ELCAC na buwagin ang CPP-NPA, ang pondo nito at ng BDP ay ginagamit para sa iba’t ibang socio-Civic projects na maghatid ng kaunlaran sa mga kanayunan upang mahikayat ang mga mamayan na talikuran ang CPP-NPA.
Sa isyu ng “red tagging” igininiit ni Esperon na hindi ang NTF-ELCAC ang unang nagtukoy sa mga grupong BAYAN, Gabriela, Alliance of Concerned Teachers (ACT), League of Filipino Students, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Kilusang Mayo Uno bilang bahagi ng kilusang komunista kundi mismong si Joma Sison.
Buwelta ni Esperon, ang mga progresibong grupong ito, partikular ang mga kaanib ng Makabayan block ang siyang nagkakalat ng kasinungalingan para Lang makuha an simpatya ng publiko.