CENTRAL MINDANAO – Mas lumalawig pa ang mapayapang inisyatibo ng mga katutubong Blaan at T’boli sa South Cotabato na mapawalang bisa na ng kanilang Sangguniang Panlalawigan (provincial board) ang isang provincial ordinance na nagbabawal sa open-pit na pagmina ng copper sa probinsya.
Lumagda sa mga manifesto na nananawagan sa pagpapawalang bisa sa naturang provincial ordinance ang mga datu at mga bae, o mga representante ng mga namumunong angkan ng mga Blaan at T’boli sa South Cotabato.
Ang kanilang layunin ay upang ipabatid sa kanilang provincial board ang kanilang napakatagal ng mithiin na makapagmina ng copper sa bayan ng Tampakan sa South Cotabato na naaayon sa kanilang right-to-self determination batay sa Indigenous Peoples Rights Act, or IPRA.
Ang IPRA, o Republic Act 8371, ay may mga malinaw na probisong nagbibigay sa mga katutubo (indigenous people) ng karapatang gamiti, ng naayon sa batas ng pamahalaan at polisiya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang anumang likas na yaman (natural resources) na nasa kanilang mga lupang ninuno (ancestral lands).
Kabilang sa mga lumagda sa mga manifesto na nananawagan na ipawalang bisa na ng provincial board ang open-pit mining sa South Cotabato sina Edmund Ugal, chairman ng South Cotabato Indigenous Peoples Council for Peace and Development.
Siya ay isang etnikong T’boli na taga T’boli, isang bayan sa South Cotabato.
Siya at marami pang mga T’boli na nasa ilang mga bayan sa probinsya ay pabor sa planong pagmina ng copper sa Tampakan.
Isa rin sa mga pumirma sa naturang mga manifesto ang Blaan na si Michael Malino, barangay kapitan ng Barangay Tinago sa Norala, South Cotabato.
Ayon sa kanya, bagama’t malayo ang Norala sa Tampakan, sila ay pabor sa planong pagmina ng copper doon.
Si Bae Silin Awed, isang T’boli tribal leader, isa ring taga T’boli municipality, ang isa sa maraming mga babaeng katutubong lider na lumagda sa manifesto.
Si Awed ay naniniwalang tanging ang pagmimina ng copper sa Tampakan lang ang makakapaunlad sa buhay ng mga Blaan at mga settlers doon na hindi mga Blaan.
May mangilan-ngilan na tagalabas ang tutol sa naturang mithiin — na makapagmina ng copper sa Tampakan — ang mga katutubong protektado ng IPRA na nagbibigay sa kanila ng karapatang gawin ito.
Itong mga ayaw na mga tagalabas daw ay wala namang maipangakong tulong para umangat ang kabuhayan ng mga Blaan sa Tampakan kapalit ng kanilang pagtutol sa planong mining operations doon.