-- Advertisements --

Muling binuhay ng isang kongresista ang panawagang ideklara bilang heritage zone ang Quiapo upang mapreserba ang mga makasaysayang struktura at lumang mga bahay sa lugar.

Kaugnay nito, umapela si Manila Rep. Joel Chua para sa multisectoral support upang gawing UNESCO Heritage site ang Quiapo.

Nanawagan din ang mambabatas ng karagdagan pang pondo sa layuning mapreserba ang heritage houses at historical structures sa Quiapo kabilang na ang San Sebastian church.

Ayon pa kay Cong. Chua ang Quiapo ay naging isa ng tahanan, abala at ligtas na interfaith residential at commercial district na may maraming residente at negosyante.

Inilarawan din nito ang Quiapo bilang komunidad ng magkakaibang pananampalataya, isang cultural heritage enclave, nagsisilbing koneksiyon sa transportasyon at social barometer ng Filipino society.

Ang Quiapo din ang nagsisilbing tahanan ng tanyag na imahen ng Poong Itim na Nazareno na nakalagak sa Quiapo church.