-- Advertisements --

Binuweltahan ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales si Presidential Spokesperson Salvador Panelo matapos sabihin nitong posibleng maging “futile exercise” lamang ang International Criminal Court (ICC) Communication laban sa ilang matataas na lider ng China.

Nauna nang sinabi ni Panelo na walang hurisdiksyon ang ICC sa China at Pilipinas dahil hindi naman miyembro ang mga ito ng naturang international court.

Pero iginiit ni Morales, na ang reklamo nila ni dating foreign affairs secretary Albert del Rosario laban kina President Xi Jin Ping at iba pang Chinese officials ay inihain noong miyembro pa ng Rome Statute ang Pilipinas.

Marso 15 nang inihain ang reklamong nag-ugat sa environmental damage ng China sa South China Sea, dalawang araw bago ang effectivity ng withdrawal ng Pilipinas sa ICC.

Dahil dito, iginiit ng dating Ombudsman na mayroon pa ring hurisdiksyon ang ICC sa naturang usapin.

Kasabay nito, binigyan diin ni Morales na “immaterial” din kung hindi miyembro ng Rome Statute ang China

Ang basehan naman daw kasi talaga ay kung nagawa ang isang krimen sa loob ng Pilipinas, na miyembro ng ICC, bago pa man ito kumalas sa Rome Statute.