-- Advertisements --

Umalma si Presidential Spokesman Sec. Salvador Panelo sa pagtawag sa kanya ni Sen. Panfilo Lacsonn bilang defense counsel ng China.

Magugunitang ginawa ni Sen. Lacson ang pagpuna kay Sec. Panelo dahil sa mistula umano nitong pagdepensa sa mga Chinese crew na nag-abandona sa 22 mangingisdang Pilipino sa karagatan malapit sa Recto Bank matapos banggain ng Chinese vessel ang bangka ng mga Pilipino.

Sinabi ni Sec. Panelo, hindi yata naintindihan ni Lacson ang kanyang sagot sa panukala nitong i-invoke ang PH-US Mutual Defense Treaty kasunod ng insidente dahil wala namang armed aggression na nangyari at matatawag pang “reckless” at “pre-mature” ang ganitong hakbang.

Ayon kay Sec. Panelo, masyado umanong mababaw ang analysis ni Lacson sa kanyang mga pahayag at hinusgahan kaagad siyang nag-aabugado sa China.

Bilang isang abugado umano, tinitingnan lamang niya ang lahat ng anggulo ng pangyayari upang makakuha ng matalinong analysis at rational na konklusyon.

Iginiit ni Sec. Panelo na nanatili ang posisyon ng Ehekutibo na proteksyunan at labanan ang anumang uri ng paglalapastangan sa sobernya ng Pilipinas.