Biglang kamambiyo ngayon ang Malacañang sa naunang kumpirmasyong galing sa mga kaalyadong bansa ang mga impormasyong pinagbatayan ng narco-list o listahan ng mga pangalan ng mga pulitiko at kandidatong sangkot sa iligal na droga.
Sa press briefing sa Malacañang, nilinaw ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang mga bansang tulad ng Israel, Amerika, Russia at China ang magagaling at may expertise sa wiretapping activities.
Pero hindi umano niya sinabing ito ang ginawa ng mga nabanggit na bansa.
Ayon kay Sec. Panelo, walang dayuhang bansa ang gumawa ng wiretapping activities sa mga kandidatong nasa narco-list.
Inihayag ni Sec. Panelo na ang sinasabi lang niya ay batay sa lohika at “educated guess” sa mga nangyayari ngayon sa mundo.
Bawi pa ni Sec. Panelo, walang nagbibigay sa Pilipinas ng wiretapped information.
Ang pagbawi ni Sec. Panelo sa nauna nitong mga pahayag ay kasunod ng mga pambabatikos mula sa ilang senador at iba pang mga sector.