-- Advertisements --

Kinumpirma ng Malacañang ang paghahain ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest laban sa China kaugnay sa umano’y pagtataboy ng Chinese Coast Guard sa Pinoy fishermen sa Panatag Shoal.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, aalamin pa nito kung anong period o kailan ang sinasabing harassment ang inirereklamo ng DFA.

Samantala, ngayong hapon ay bisita ni Sec. Panelo si Chinese Amb. Zhao Jianhua kung saan maaaring matalakay ang nasabing usapin.

Ayon kay Sec. Panelo, personal niyang tatanungin si Amb. Zhao kung totoong mga tauhan ng kanilang Chinese Coast Guard ang napaulat na sangkot sa panibagong pagtataboy umano sa ilang Pilipinong mangingisda sa Panatag Shoal.

Mahalaga aniyang malinawan muna mula sa embahada ng China kung talagang mga tauhan nila ang nasa Panatag Shoal, matanong kung bakit naroon ang mga ito, at ano ang layunin ng pagtatambay ng mga ito sa lugar.

May ilang report umanong hindi naman Chinese Coast Guard o Navy ang naroon sa lugar kundi Chinese militia.