-- Advertisements --

Nanindigan si Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang dahilan para kausapin sina Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin at Secretary to the Cabinet Karlo Nograles sa gitna ng magkakaibang pananaw sa sinasabing fishing agreement sa China.

Kung maaalala para kay Sec. Panelo, “legally-binding and enforceable” na ang verbal agreement nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese Pres. Xi Jinping na puwedeng mangisda sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang mga Chinese fishermen.

Pero para kina Sec. Locsin at Sec. Nograles, wala pang pormal na kasunduan at hindi pa maaaring ipatupad ang verbal agreement dahil direksyon lamang ito na magkaroon formal agreement.

Sinabi ni Sec. Panelo, malinaw naman ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa kasunduan at nakuwento na rin nito kung ano ang nangyari sa pag-uusap nila ni President Xi.

Ayon kay Sec. Panelo, hindi na lang niya ipagpipilitan kung ano ang interpretasyon nina Sec. Locsin at Sec. Nograles sa verbal agreement basta paninidiganan niya kung ano ang posisyon ni Pangulong Duterte.

Iginiit pa ni Sec. Panelo na nagkaroon ng pagkakaiba-iba ng interpretasyon kaugnay sa isyu dahil wala naman sina Sec. Locsin at Sec. Nograles sa meeting nina Pangulong Duterte at Pres. Xi habang siya ay naroon.