-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nakilala na ang pang-apat sa limang mga pinaniniwalaang hijackers na napatay ng mga pulis sa Benguet matapos mauwi sa engkwentro ang hot pursuit operation sa mga ito, madaling araw ng June 30, 2021.

Nakilala itong si Mark Ian Tolabut Gonzales, 38-anyos, walang trabaho at residente ng San Fernando, Pampanga.

Ito ang suspek na may tattoo ng imahe ni Bhuda sa kanyang tiyan at iba pang mga tattoo sa kamay.

Sa report ng Police Regional Office Cordillera, mismong kapatid at dalawang menor de edad na mga anak ng suspek ang kumilala dito.

Ayon sa kapatid ni Gonzales, dati ng nakulong ang napatay na suspek dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kalalabas lamang ng kulongan noong nakaraang buwan ng Mayo ng kasalukuyang taon.

Una rito, nakuha mula sa bangkay ni Gonzales ang isang NBI ID card matapos ang engkwentro.

Kinumpirma naman ng mga anak nito na ang mukha sa ID card ay ang kanilang ama ngunit iba ang pangalan.

Batay sa impormasyon naman na nakuha ng kapatid ng suspek, isang linggo ng hindi umuuwi ang napatay na suspek sa kanyang boarding house bago ang insidente.

Isasailalim sa cremation ang bangkay ni Gonzales bago ito iuuwi sa kanilang tahanan sa San Fernando, Pampanga.

Maaalalang nakilala na rin ang tatlo sa mga kasama ni Gonzales kung saan mismong mga kamag-anak ng mga ito ang kumilala sa kanila.

Nakilala ang mga itong sina DAVID DASSALA RAPAL JR., 40-anyos, residente ng San Fernando, Pampanga; RYAN AMURAO PANGILINAN, 41-anyos, truck driver, residente ng Mexico, Pampanga at si RELLY AMURAO CASTILLO, 43-anyos, construction worker, residente ng Arayat, Pampanga.

Maaalalang nangyari ang pag-hijack ng mga suspek sa isang wing van truck sa La Trinidad, Benguet habang nangyari ang engkwentro sa Tuba, Benguet nang pagbabarilin ng mga suspek ang mga humababol sa kanilang mga pulis na nauwi sa pagka-neutralize ng mga ito.