BAGUIO CITY – Pormal na ipinasakamay ni Defense Secretary Delfin Lorenza sa lalawigan ng Kalinga ang P34-million halaga ng karagdagang regional evacuation center ng Cordillera Administrative Region.
Sa mensahe ni Lorenzana na siyang chairman ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), sinabi niya na ito ay bahagi ng pagnanais ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtayo nang mas maraming evacuation centers sa bansa.
Lubos naman ang pagpapasalamat ni Kalinga Representative Allen Jesse Mangaoang sa bagong proyekto.
Kinilala ng mambabatas bilang malaking tulong ang maibibigay ng evacuation center dahil patuloy na nararanasan sa Kalinga at maging sa buong Cordillera ang epekto ng climate change.
Ito na ang pang-apat na regional evacuation center sa Cordillera kung saan ang tatlo ay matatagpuan sa Apayao, Abra at Benguet.