DAVAO CITY – Dumating sa Francisco Bangoy International Airport sa Davao City bandang alas-4:00 ng hapon si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang isang matagumpay na five-day official visit sa Russia.
Sa panayam ng media, sinabi ni Pangulong Duterte na maraming nakamit ang Pilipinas sa kanyang pakikipag-unayan sa mga lider ng Russia.
Una rito sa isinagawang bilateral meetings ng Pangulo kasama si President Vladimir Putin at Prime Minister Dmitry Medvedev, kanilang napagkasunduan ang mas palawakin at palalimin ang ugnayan ng dalawang bansa sa lahat ng areas of cooperation mula sa security and defense hanggang sa trade at investment, agriculture, energy, science and technolgy at socio-cultural exchanges.
Iginiit naman ng Pangulong Duterte sa kanyang talumpati na nagsisimula nang magbunga ng magagandang oportunidad para sa Pilipinas ang mas pinalakas pa na pakikipagkaibigan ng bansa sa Russia.
Kamakailan lamang ay kinilala ng Russia ang dalawang karagdagang Philippine fishery establishments para sa pag-export ng tuna at iba pang mga produkto sa Russia at sa mas malaking pamilihan sa Eurasian bloc.
Nilagdaan din ang mahigit sa P620 million-business deals sa isinagawang Philippines-Russia Business Forum sa Moscow.
Inaasahan ng Pangulo na ang mga nasabing kontrata ay makakapagbigay ng mas maraming trabaho at economic opportunities para sa mga Pilipino.