Hirap pa rin umano si Pangulong Rodrigo Duterte na pumili sa kung sino ang susuportahang kongresista sa speakership race.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Party-list Coalition President Mikee Romero na pawang mga kaibigan niya ang mga speaker-aspirants para sa 18th Congress.
Ayon kay Romero, dilemma raw ang Punong Ehekutibong pumili ng susuportahan sapagkat alam niyang may masasaktan siyang kaibigan sa oras na may i-endorso na siya para sa naturang posisyon dahil karamihan sa mga tumatakbo ay pawang sa ruling PDP-Laban.
Pero para sa kinatawan ng 1-Pacman party-list, na kasama sa “fellowship” dinner na inihanda ni Davao Rep. Paolo Duterte noong Martes ng gabi, posibleng kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ibibigay ng Pangulo ang suporta nito.
“That dinner also parang, siyempre kapag binasa mo ang sitwasyon, makikita mo na bakit andoon si Presidente, bakit andoon si Congressman Lord Velasco? So kapag pinagdugtong mo ang isa’t isa eh baka doon sa body language makikita mo na may leaning si Pangulong Duterte,” ani Romero.
Gayunman, ito ay base lamang aniya sa kanilang obserbasyon at mas mainam na hintayin ang pormal na anunsyo ni Pangulong Duterte sa darating na Hunyo 28.
Sa kabilang dako, sinabi ni Romero na sila sa Party-list Coalition ay wala pang napipiling speaker-aspirant.
Magiging batayan daw ng kanilang desisyon ang magiging pasya naman ni Pangulong Duterte sa usapin na ito.