Nagpatawag ng command conference si Pangulong Rodrigo Duterte para sa AFP at PNP para pag-usapan ang seguridad ng bansa bunsod ng madugong Lamitan bombing sa Basilan.
Itinakda ang conference sa Martes sa susunod na linggo.
Ito ang kinumpirma ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa Kampo Crame.
Sinabi ni Go na nagkausap na sina Pangulong Duterte at si National Security Adviser Hermogenes Esperon ukol dito.
Ayon kay Go nababahala umano si Duterte sa kalagayan ng mga biktima.
Pahayag pa ni Go, plano sanang magtungo sa Lamitan City ang Pangulo para bisitahin ang 10 nasawi pero dahil lahat ay Muslims, agad na ring nailibing ang mga ito.
Nagpahayag din ng pag-alalala raw ang Pangulo sa presensiya ng umano’y suicide bomber.
Bukod sa nababahala ay naalarma rin ang Pangulo sa insidente.
Ipinaabot na aniya ng Malacanang ang pakikiramay ng Pangulong Duterte sa mga kawal ng pamahalaan at maging sa mga sibilyan na nasawi sa naturang insidente.
Tumangging magkomento ang kalihim na ang ISIS o Abu Sayyaf ang pinaniniwalaag nasa likod ng insidente.
Makabubuti aniya na hayaan na lang muna ang AFP at PNP na tapusin ang kanilang imbestigasyon sa insidente.
Una nang inihayag ng militar na ang Abu Sayyaf ang kanilang pinaghihinalaan na responsable sa pagpapasabog.
Magugunitang inako ng ISIS ang pagpapasabog at sinabing tauhan nila ang umano’y Moroccan bomber.