-- Advertisements --

SOBEJANA 1
Western Mindanao Command commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana

Pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang command conference mamayang hapon sa Western Mindanao na dadaluhan ng mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Layon ng nasabing pulong ay para maibsan ang tensiyon sa pagitan ng mga sundalo at pulis matapos ang madugong pamamaril ng mga pulis sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, sinabi nito na mamayang hapon inaasahan ang Pangulong Duterte sa Wesmincom headquarters sa Zamboanga City.

Kinumpirma rin ni Sobejana na hindi na magtutungo sa probinsiya ng Sulu ang Pangulo dahil may naka-confine na COVID-19 patient sa military hospital sa loob ng kampo ng 11th Infantry Division sa Busbus, Jolo.

Dahil dito, minabuti ng liderato ng AFP na huwag ng tumuloy doon ang Pangulo.

Banta umano kasi sa kalusugan ng Pangulo kung magtungo pa ito sa naturang probinsiya.

Kasama naman ng Pangulo ang ilang cabinet secretaries, military at police generals na magtungo sa Zamboanga.

Sa kabilang dako, kinumpirma rin ni Sobejana na ang dalawang suicide bombers na target ng kanilang intelligence operation ay asawa ng suicide bombers na na-neutralize ng militar noong nakaraang taon.