DAVAO CITY – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang inagurasyon ng Bulk Water Supply Project dito sa Davao City ngayong araw.
Personal na pinasinayaan ng pangulo ang labindalawang bilyong pisong pinondohan na proyekto.
Ito ay itinuturing na pinakamalaki sa Pilipinas at ang una sa Southeast Asia na inaasahang magbibigay ng tatlong daang milyong litro ng tubig sa pamamagitan ng 70-kilometrong pipeline.
Ang proyekto ay isang venture project ng Davao City LGU, Davao City Water District at Apo Agua Infrastractura Inc. na magbibigay ng sapat na supply ng tubig upang makatawid sa anim na water supply system ng Davao City Water District.
Naging operational ang proyekto noong Disyembre 2023 at kasalukuyang nagsisilbi sa humigit-kumulang isang milyong Dabawenyo.