Naniniwala si Pangulong Bongbong Marcos na lalo pang lalakas ang depensa ng bansa sa cyberspace kasunod ng paglagda ng memorandum of understanding sa pagitan ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Grid Corporation of the Philippines.
Ang paglagda sa nasabing kasunduan ay pinangunahan nina NICA chief Director General Ricardo De Leon at NGCP President at CEO Anthony Alameda na personal na tinunghayan ng Pangulo na ginanap sa Palasyo ng Malacanang.
Binigyang-diin ng Pangulong Marcos, mahalaga ang nasabing hakbang para ma protektahan ang ating cyberspace at mapigilan ang anumang cyberspace attacks lalo na sa power assets.
Sa ceremonial signing, binigyang-diin ng Pangulo na kailangan ng pagtutulungan ng NICA at NGCP upang maiayos ang mekanismo para sa cybersecurity at intelligence-driven analysis na gagamitin sa patuloy na distribusyon ng kuryente sa mga komunidad.
Bahagi rin ito ng pagpoprotekta sa bansa mula sa mga banta sa power transmission system na isa ring isyu sa larangan ng seguridad.
Sa ilalim ng MOU, ang NICA ay may tungkulin na pagsama samahin ang mga nakolektang impormasyon batay sa intel report mula sa iba’t ibang instrumentalidad ng gobyerno, gumawa ng pagsusuri, magcollate ng data, at magrekomenda ng mga aksiyon partikular sa pag-iingat sa mga asset ng transmission ng NGCP.
Ang NGCP, sa kabilang banda, ay maaaring magbahagi ng mahahalagang impormasyon sa mga isyu sa seguridad na may kaugnayan sa enerhiya at magbigay ng teknikal na payo sa NICA.
Sa pamamagitan ng MOU, nangangako ang NICA na ibigay sa NGCP ang nakuhang intel report upang suportahan ang proteksyon ng mga power transmission asset na pinapatakbo at pinapanatili ng NGCP sa buong bansa, habang nangangako itong magbigay ng teknikal na tulong sa NICA upang suportahan at palakasin ang kakayahan nito sa cyber security.