-- Advertisements --

Pinayuhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang mga motorista at publiko na wag maging kamote driver, sa halip ay habaan ang pasensiya kapag nasa kalsada at nagmamaneho, itaguyod ang pagiging mapasensiya sa kalsada, mapagtimpi at maingat sa pananalita.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa inilabas na vlog ng Palasyo.

Kinuwestyon ng pangulo kung bakit ganito na ang takbo ng pag iisip at pag uugali ngayon ng mga pilipino, masyado na aniyang siga at matatapang sa kalsada, walang disiplina.

Isinalarawan ng pangulo na sa mga nagdaang insidente ng road rage sa bansa, nangingibabaw ang sigawan, at bangayan, duruan, na nauwi pa sa barilan.

Giit ng pangulo, ang pagmamaneho ay isang prebelihiyo lamang.

Aniya, kailangan sumunod sa batas trapiko ang lahat at maging disiplinado sa kalsada.

Ipinaalala ng pangulo na ang dalawang minuto lamang na pagpuyos ng galit, na nauuwi pa sa matinding karahasan ay habangbuhay nang pagdurusahan at pagkasayang na makasama ang pamilya dahil makukulong pa.

Pinayuhan din nito ang mga tao sa paligid na umawat at panatilihin ang kapayapaan sa halip na unahin ang pagbibidyo ng nangyayaring kaguluhan.

Makabubuti aniya sa lahat kung pag uusapan ang problema sa maayos at mahinahon upang hindi humantong sa marahas na insidente na pagsisisihan bandang huli.