-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nagsagawa ng situation briefing si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa mga piling Regional Line Agency Directors at local chief executives ng Antique.

Ayon kay Pangulong Marcos, pangunahing layunin nito na magsagawa ng assessment sa pinsala ng Tropical Storm ‘Paeng’ at mabigyan ng solusyon ang iba’t-ibang problema sa Western Visayas Region.

Napag-alaman ang ang Antique bilang bahagi ng Western Visayas ang napasailalim sa State of Calamity dahil sa bagyo.

Inamin naman ng pangulo na mahirap na ngayong malaman kung saan babaha kapag may tatamang bagyo.

Pinayuhan rin nito ang mga opisyal na manguna sa preemptive evacuation upang maiwasan na may buhay na mawala sakaling may mangyaring bagyo.

Samantala, nahaluan naman ng katatawanan ang meeting matapos tinawag ni Antique Governor Rhodora Cadiao ang DPWH bilang Department of Public Worst sa halip na Public Works and Highways.

Humingi naman ng paumanhin si Cadiao matapos tinawag na worst o pinakamasama ang ahensya.

Napag-alaman na umani ng batikos ang nasabing ahensya dahil sa mabagal na paggawa ng hakbang upang makumpuni ang mga nasirang tulay sa lalawigan.