-- Advertisements --

PBBM4

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko na mayruong sapat na suplay ng bigas ang bansa at ginagawa ng kaniyang administrasyon ang lahat para makontrol ang presyo ng bigas sa merkado.

Ipinagmalaki rin ng Pangulo na gumaganda ang kasalukuyang rice supply situation sa bansa at sinisiguro nito na hindi na magkakaroon ng rice shortage sa mga susunod na buwan.

Pinulong ng Pangulong Marcos Jr. ang mga kawani ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) upang pag-usapan at tiyakin ang sapat na suplay at tamang presyo ng bigas sa merkado.

Bilang kawani ng DA, ibinahagi ni PBBM na pinagpaplanuhan pa ang pag-aangkat ng bigas at sisigurihin ang pagpaparami ng buffer stock ang NFA.

Dumalo sa pulong sa Malakanyang ay sina Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban, Undersecretary Leocadio Sebastian, Undersecretary Mercedita Sombilla, Assistant Secretary Rex Estoperez, NFA Administrator Roderico Bioco, Agriculture Assistant Secretary Arnel De Mesa and Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Glenn Panganiban.

Nasa 330,000 metric tons ng bigas ang iminungkahi ng National Food Authority (NFA) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr para angkatin at maidagdag sa kailangang buffer stock ng bansa.

Nakapaloob sa rice import proposal ng NFA ang gagamitin para sa relief operations ng ibat- ibang ahensiya ng pamahalaan sa gitna ng inaasahang pagtama ng mga kalamidad sa bansa.

Sabi ng Pangulo sapat naman hanggang katapusan ng taon ang suplay ng bigas ngayong 2023 na nasa 16.98 million metric tons gayung ang kailangan lang ay nasa 15.29 MMT.

Sobra pa aniya ito ng 1. 69 metric tons o 45 days buffer stock pagdating ng 2024 subalit hindi na aabot sa ideal na buffer stock para ma-stabilize o mapatatag ang presyo ng bigas.