-- Advertisements --

Halos natupad na lahat ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) sa Philippine National Police (PNP).

Ito ang ipinagmamalaking sinabi ni PNP Chief PDGen. Ronald Dela Rosa na tumaas ang kanilang sweldo kung saan malaki na ang natatanggap nilang allowances.

Buo na rin nakukuha ng mga pulis ang kanilang 13th month pay na hindi kagaya dati na kalahati lamang ang kanilang natatanggap.

Marami na ring mga procurement ang ginawa ng PNP lalo na sa pagbili ng kanilang mga kagamitan.

Bagamat maraming procurement ngayon ang PNP sadyang mabagal ito dahil sa proseso ng procurement law.

” Yung sweldo namin lumaki. malaki na natatanggap namin through allowances, saka yung 13th month pay namin buong buwan na. hindi yung kalahati at saka procurement, napakaraming procurement ngayon. yun nga lang dahil sinusunod natin yung procurement law hindi tayo basta mapabilisan otherwise you will end up in jail kapag naviolate mo mga provisions ng procurement law,” pahayag ni Dela Rosa.

Pagtiyak ni Dela Rosa na 100 percent suportado ng Pang. Duterte ang PNP.

Sa katunayan, sinabi ni PNP chief, “in principle” aprubado na ni Pangulong Duterte ang request na pondo na nagkakahalaga na P1.9 billion para sa kanilang enhancement program.

“Suportado tayo ni Presidente, meron akong hiningi na move, shoot, communicate and investigate capability enhancement na worth P1.9 billion, he approved it in principle and yun lang mahaba ang proseso,” wika ni PNP chief.

Aminado si Dela Rosa na baka matagalan pa ang pagdating ng mga nasabing kagamitan na baka mag retire na siya sa serbisyo ay saka naman ito darating.

Pinadagdagan din ng pangulo ang recruitment ng kanilang  personnel.

” Recruitment ng personnel yung instruction nya na dagdagan, damihan,dinamihan namin so walang iniisip si presidente kungdi kabutihan ng kanyang kapulisan kung ano maganda para sa pulis para magperform properly sa kanyang trabaho,” dagdag pa ni PNP chief.