Hindi natupad ang naging pangako ni dating Pangulo Rodrigpo Duterte sa PNP na nagkasa ng kaniyang madugong war on drugs na bigyan ng sapat na proteksiyon at suporta.
Ito’y matapos sabihin ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na walang pruweba na naisakatuparan ng dating pangulo ang kaniyang pangako.
Ayon kina Deputy Majority Leader at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre at Sta Rosa Laguna Rep.Dan Fernandez puro daldal lamang ang ginawa ng dating pangulo na protektahan ang mga pulis.
Sa ngayon nahaharap sa legal at administrative charges ang mga pulis na nagkasa ng madugong war on drugs.
Ayon kay Acidre dapat sabihin ng dating Pangulo sa ICC na siya ang responsable sa kaniyang kampanya laban sa war on drugs.
Sinabi ni Fernandez na nangako din si Duterte na bigyan ng abogado ang mga pulis na nagkasa ng anti-drug campaign na nag resulta sa extra judicial killings.
Ayon kay Fernandez nabudol ang mga pulis sa pangako ni Duterte.
Pinuri naman ni Fernandez si Pangulong Ferdinand Marcos Jr na nangakong bubuo ng legal team sa PNP magbibigay ng tulong sa mga pulis na nahaharap sa kaso.
Inihayag naman ni Marbil na batay sa kanilang datos mula July 2016 hanggang June 2022 sa ilalim ng Duterte administration nasa 312 pulis ang nasawi sa operasyon habang 974 ang sugatan.