-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Nananawagan sa ngayon ang pamunuan ng Department of Education Region 12 sa mga suppliers, negosyante at mamamayan sa Soccksargen na mag-ingat at huwag basta maniwala sa mga nagpapanggap o nagpapakilalang opisyal o empleyado ng DepEd.

Ito ay dahil sa laganap na modus sa ngayon ng mga scammers kung saan marami na umano ang nabiktima.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ms. Rhea Hallequi, Information Officer ng Department of Education Region 12, sinabi nito na siya mismo ang nakatanggap ng tawag mula sa mga nabiktima ng scammers na hiningan ng pera, schools supplies at kung ano-ano pa para ibigay umano sa mga paaralan.

Mismong ang pangalan umano ni DepEd 12 Regional Director Carlito Rocafort, o mga opisyal ng nasabing tanggapan ang ginagamit.

Kaugnay nito, mariin namang kinondena ni Director Rocafort ang pangyayari at pinabulaanan na pinapayagan nito ang nabanggit na gawain.

Hindi umano nila kukunsintihin ang naturang mga aktibidad at dapat na matigil na.

Kaugnay nito, agad na naglabas ng advisory ang ahensiya at hinihikayat ang publiko na maging vigilante at ireport sa mga otoridad oras na may matuklasang mga indibidwal o grupo na nagpapanggap na konektado sa DepEd.