KORONADAL CITY – Umaabot sa halos P50,000 halaga ng cellphone load at P 5,000 na halaga ng mga pagkain ang nakulimbat ng suspek na nagpakilalang si Mayor Pip Limbungan ng Tulunan, North Cotabato.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Koronadal ni Ryan James Bansolo ang chef ng Agot’s Park Place na nabiktima ng scammer.
Ayon kay Bansolo, tumawag sa kanilang restaurant ang nagpakilalang si Mayor Pip at sinabing oorder ito ng pagkain.
Inutusan din nito ang restaurant na isara at exclusive lang para sa kanila ang lugar para sa pananghalian.
Dahil unang beses na mismong ang mayor ang tumawag ay agad nila itong inasikaso at nagluto ng apat na putahe.
Kalaunan ay sinabi ng suspek na kung may load ang restaurant na nagkakahalaga ng P15,000 na kasama umanong babayaran sa inorder na pagkain.
Kaya’t pumunta sa e-loading station na nasa katabing tindahan lang ng restaurant ang cook para magpa-load sa number ng suspek pero P3,000 lang ang nakayanang nai-load ng credit loader.
Dito ay ang may-ari na ng e-loader at ang suspek ang nag-usap at kampante rin ito dahil kaboses umano ng suspek si mayor hanggang sa umabot sa 40,000 ang na-load nito sa suspek.
Nagtaka naman ang may-ari ng restaurant dahil mag-aala-1:00 na ay wala pa ang alkalde.
Dito na nila nakumpirmang naloko sila.
Agad na nakipag-ugnayan ang may-ari sa misis ng alkalde at sinabi ang nangyari.
Itinanggi naman nila na ang alkalde ang mismong tumawag at nag-utos para magpaluto ng pagkain.
Sa ngayon nananawagan ang may-ari nito sa lahat na mga restaurant at ang mga food court na huwag basta-basta mag tiwala sa mga online booking at nag-o-order dahil sa nangyari sa kanila.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan upang makilala ang suspek sa nangyaring upang hindi na ito maulit pa.