Isinapubliko na ng mga opisyal ng lungsod ng Virginia Beach sa Estados Unidos ang mga pangalan ng 12 nasawi sa nangyayaring pamamaril sa isang municipal building nitong Sabado.
Ayon kay city manager Dave Hensen, 11 sa mga biktima ay mga local authority workers at isa naman ang contractor.
Kinilala ang mga municipal workers na sina Laquita Brown; Tara Gallagher; Mary Louise Gayle; Alexander Gusev; Katherine Nixon; Richard Nettleton; Christopher Kelly Rapp; Ryan Keith Cox; Joshua Hardy; Michelle Langer at Robert Williams.
Si Robert Williams ay nagtrabaho na roon sa loob ng 41 taon, habang si Christopher Rapp naman ay 11 buwan pa lamang doon.
Habang natukoy naman ang contractor na si Herbert Snelling.
“Today we all grieve,” wika ni Hensen.
Nasa apat na katao naman ang sugatan, kabilang na ang isang police officer na suwerteng nakaligtas dahil may suot itong bulletproof vest.
Una nang kinilala ang suspek na si DeWayne Craddock, 40-anyos, at isang certified professional engineer sa public utilities department ng nasabing lugar.
Nakalagay din ang kanyang pangalan bilang point of contact para makakuha ng impormasyon ang mamamayan patungkol sa local road projects.
Kaugnay nito, hindi naman binanggit ni Virginia Beach Police Chief James Cervera sa posibleng motibo ng insidente.
Batay sa US tracking website na Gun Violence Archive, ito na ang ika-150 mass shooting na naganap sa Estados Unidos ngayong taon, at ito rin umano ang itinuturing na deadliest. (BBC)