-- Advertisements --
Screenshot 2019 07 01 09 25 50
Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte

Dadaan pa sa mahabang proseso ang panukala ni presidential son at Davao City Rep. Paolo Duterte na baguhin ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Una nang naghain ng panukala sa Kamara ang eldest son ng Pangulong Duterte, kasama sina Rep. Lord Allan Jay Velasco (Marinduque) at Rep. Eric Go Yap (ACT-CIS) ng House Bill 7031 na naglalayong palitan ang pangalan ng NAIA sa PPP o ang Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas.

Tulad ng ibang proseso, ang proposed bill ay ikakalendaryo pa sa first reading at sasailalim sa pagdinig ng House committee on transportation para sa masusing deliberasyon.

Liban nito, kailangan din ang counterpart bill sa Senado.

Nakapaloob sa paliwanag ng presidential son na ang pagbabago sa pangalan ay mas kumakatawan sa bansa bilang pangunahing international gateway.

Ito rin daw ay magiging repleksiyon ng legacy ng mga Pilipino na walang kulay politika o kaya political agenda.

Kung ipapaalala ang Ninoy Aquino International Airport ang dating pangalan ay Manila International Airport.

Binago ito sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino batay sa Republic Act 6639 na pinagtibay noong Dec. 10, 1987.

Ang pangalan ay pagkilala rin sa pagbuwis ng buhay ni dating Sen. Ninoy Aquino na pinatay sa kanyang paglapag sa paliparan noong August 21, 1983.