-- Advertisements --
Clark stadium Capas Sea Games SEAG
World class New Clark City Athletics Stadium (photo by Bombo Bam Orpilla)

Positibo pa rin si Philippines Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez na makakahabol ang mga pasilidad na maisasaayos na siyang gagamitin sa 30th Southeast Asian Games (SEA Games) bago ang official kickoff sa November 30.

Ginawa ni Ramirez ang pahayag matapos maiulat na ilang mga venue katulad na lamang sa Rizal Memorial Stadium, Clark sa Pampanga at sa Tagaytay ay hindi pa rin natatapos ang pagsasaayos.

Liban dito maging ang mga equipments ay hindi pa rin daw dumarating samantalang mahigit isang buwan na lamang ang nalalabi.

Tiniyak naman ni Ramirez, na siya ring tatayong chef de mission ng Team Pilipinas, hindi nila ipapahiya ang bansa sa international community.

Aniya, nakataya umano ang pangalan ng Pilipinas kaya kailangan agad umanong mabili na nila ang mga kaukulang equipment at maisaayos on time ang mga venues.

Una rito may lumutang din kasi na isyu na nitong linggo lamang ginawa ang bidding sa ilang mga sports equipment.

Habang nitong nakalipas lamang na araw ay personal na binisita nina Sen. Bong Go at House Speaker Alan Peter Cayetano na siya ring Phisgoc chair ang brand new na Clark City Stadium kung saan kanilang dineklara na ready na ang Pilipinas sa pagtanggap sa mga atleta mula sa 10 mga bansa.