-- Advertisements --

LAOAG CITY – Kinumpirma ni Major Rely Layug, ang pinuno ng Community Relation Office sa Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) na may gumagamit sa pangalan ni provincial director Col. Cesar Pasiwen.

Sa eksklusibong interview ng Bombo Radyo Laoag kay Layug, sinabi niya na may tumatawag umano sa mga alkalde at bise alkalde sa lalawigan at nagpapanggap na si provincial director Pasiwen.

Sinabi niya na base sa tumatawag sa mga nasabing opisyal, nagpapatulong umano ang provincial director para sa ipapatayong bahay at nanghihingi pa ng load.

Hindi na sinabi ni Layug ang pangalan ng mga alkalde at bise alkalde na natawagan na ng nagpapanggap na PD.

Aminado si Layug na hirap silang ma-trace ang suspek dahil magkakaibang number ang ginagamit nito.

Dahil dito, nagbabala si Layug ang publiko lalong-lalo na sa mga opisyal sa lalawigan na kung may tumatawag sa kanila na nagsasabing sila si PD Pasiwen ay mas mainam na tawagan na lamang nila ang provincial director.