Idinawit ang pangalan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kaso ng pagpatay sa tatlong Chinese druglords sa loob ng Davao Prison and Penal Farm noong taong 2016.
Ito’y matapos ibunyag ng dalawang testigo sa ikalawang pagdinig ng Quad Committee sa Kamara ngayong araw ukol sa mga isyu ng extrajudicial killings, war on drugs campaign ng administrasyong Duterte at criminal activities sangkot ang Philippine Offshore Gaming Operators.
Humarap ngayong araw sa pagdinig ng Komite sina Fernando Magdadaro at Leopoldo Tan upang ilahad ang mga pangyayari sa loob ng maximum security compound partikular sa bartolina kung saan pinatay ang tatlong Chinese nationals na sina Chu Kin Tung, Li Lan Yan at Wong Mien Pin.
Sa sinumpaang salaysay, isiniwalat nina Magdadaro at Tan na inalok sila ng pera at kanilang kalayaan kapalit sa pagpatay sa tatlong druglords dahil mayroon itong “basbas mula sa itaas”.
Sinabi ni tan na nuong patungo na sila sa Investigation Section ay may nakausap aniya sa cellphone ang isa sa pinakamataas umano na opisyal sa Davao Prison na si Superintendent Gerardo Padilla.
Sinabi ni Tan na pamilyar ang boses ng kausap na kahalintulad ni dating Pangulong Duterte at lalo siyang napaniwala nang kumpirmahin umano ni Padilla sa mga kasamahan na ang punong ehekutibo ang tumawag para i-congratulate sila sa matagumpay na trabaho.
Giit pa nina Magdadaro at Tan, walang pumilit o nang-impluwensiya sa kanila bagama’t binanggit ng mga ito na lumutang sila dahil sa sama ng loob na hindi natupad ang pangakong palalayain sa bilangguan.
Inamin din ng dalawa na sila ay nilapitan ng mga law enforcement officers na may kuneksiyon nuon sa Duterte administaration para isagawa isagawa ang pagpatay.
Bukod pa sa pangalan ni dating Pangulong Duterte, lumabas din ang pangalan ni LtCol. Garma.