-- Advertisements --

Inilagay na sa Immigration Lookout Bulletin ang pangalan nina suspended Bamban Mayor Alice Guo at Guo Hua Ping na napatunayan ng NBI na iisang tao lamang matapos tumugma ang fingerprints ng 2.

Ito ang kinumpirma ni Bureau of Immigration spokesperson Dana Sandoval matapos ipahiwatig ni Senator Sherwin Gatchalian na posibleng umalis na ng Pilipinas ang suspendidong alkalde gamit ang kaniyang Chinese passport.

Subalit sinabi din ng Senador na ang impormasyon mula sa BI ay lumalabas na nasa Pilipinas pa rin si Guo.

Nang matanong naman ang BI official kung sakaling umalis na si Guo sa bansa sa pamamagitan ng backdoor o borders, sinabi ni Sandoval na dapat ang Philippine Coast Guard at Philippine Navy ang tanungin ukol dito.

Matatandaang nag-isyu ang Senado ng arrest warrant laban kay Guo dahil sa kabiguan nitong dumalo sa pagdinig kaugnay sa ni-raid na POGO hub sa Bamban, Tarlac.